Our Community

COMMUNITY

Season of Creation 2023
Let Justice and Peace Flow



Noong ika-isa ng Setyembre 2003, ipinakilala ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP), sa pamamagitan ng kanilang Pastoral Letter, ang PANAHON NG PAGLIKHA o CREATION TIME bilang mahalagang pagdiriwang mula ika-isa ng Setyembre hanggang ika-4 ng Oktubre, ang kapistahan ni Santo Francisco ng Assisi.

Lalo pa itong pinagtibay ni Papa Francisco nang itinalaga nya ang Ika-isa ng Setyembre bilang World Day of Prayer for the Care of Creation, kasunod ng pag-isyu ng kanyang liham-ensiklikal na LAUDATO SI noong 2015. Ang Creation Time o SEASON OF CREATION ay ipinagdiriwang ng mga Kristyano sa iba pang panig ng daigdig.

Ang Panahon ng Paglikha ay mahalagang paalala sa atin bilang mananampalatayang Katoliko na ang Kalikasan at Sangnilikha ay mga regalo ng Diyos na hindi matutumbasan ng salapi. Tayo ay magbigay pugay at magpasalamat sa Bathalang Manlilikha sa lahat ng kanyang biyayang likha - ang lahat ng halaman, mga hayop, mga anyong tubig, mga anyong lupa. Ang lahat ng ito ay may buhay at karapatan sa ilalim ng pagmamahal ng Diyos.

Tayo ay nahaharap sa malubhang krisis pang-kalikasan at ang krisis na ito ay isa nang climate emergency. Ang ating mundo ay nasa bingit ng pagkawasak dahil na rin sa ating walang kamalayan, pagwawalang-bahala, at pagwawaldas ng likas na yaman na ibinigay ng Diyos sa ating kalikasan. At ang lalong naapektuhan ay ang mga bansa at mga taong kapos sa kakayahan at salat sa buhay.

Sa panahong ito, tayo ay hinihimok na magnilay at baguhin ang ating bulagsak na pamumuhay at pagwawalang-bahala. May tungkulin ang bawat isa sa atin na pangalagaan ang ating nag-iisang TIRAHAN, ang ating Mundo.

Bilang pag-alala sa ating Dakilang Manlilikha at ating tungkulin bilang mga tagapangalaga ng mga biyaya ng Diyos, inaanyayahan namin kayong makiisa sa mga gawain ng Parokya ng Our Lady of Remedies ngayong Season of Creation 2023.


We’d like to hear your thoughts about this article. Please let us know what you think. Thank you.

Our Community